Nagkaroon man ng lockdown, nagtuloy-tuloy pa rin ang serbisyo ng Meycauayan City Primary HIV Care Clinic na HOME OF BAMBOO. Kaya naman ito ay nagawaran ng QUILTS Treatment and Care-Adherence Award sa katatapos lamang na QUILTS Awards 2022 noong Mayo 31, 2022 sa Tanghalang Pasigueño, Pasig City.

Sa limang finalists, ang programa ng lungsod ang nakakuha ng pinakamataas na treatment retention rate para sa kanilang pasilidad at organisasyon. Kinilala rin ang Home of Bamboo dahil sa pakikiisa at pagsuporta sa 95-95-95 Goals ng bansa sa taong 2021-2022. Ibinahagi ito nina Reyson Pila, Hub Manager ng Home of Bamboo, at Teresita Marie Bagasao, EpiC Project Director sa courtesy call nila kay Mayor Linabelle Ruth R. Villarica noong Hunyo 6, 2022 sa City Hall.

Ang QUILTS Award o Quality Uptake and Improvements in Lifesaving Treatment Services ay annual recognition event na pinangasiwaan ngayong taon ng EpiC Philippines, isang NGO na sumusuporta at nagbibigay ng pondo para sa mga programang patungkol sa HIV, at gayundin ng AIDS Society of the Philippines at ng Centers for Health and Development kung saan tatlong rehiyon ang kalahok kabilang ang CALABARZON, Central Luzon at Metro Manila. Saludo sa inyong serbisyo!